ERP ni Arroyo: Pagtulong nga ba?
Posted on 30. Oct, 2009 by admin in Labor Situation
Ilang buwan nang nilalaman ng mga pahayagan ang mga anunsyo ng Malacanang hinggil sa Economic Resiliency Plan (ERP). Isasagawa ito umano upang protektahan ang Pilipinas mula sa epekto ng kasalukuyang pandaigdigang krisis pang-ekonomya’t pampinansya.
Sa isang banda’y iginigiit ni Arroyo na malakas ang ‘economic fundamentals’ ng bansa dahil dati pa umanong naisagawa ang mga ‘fiscal reforms’ sa bansa. Hindi rin daw nauga ang banking system sa Pilipinas sa pagbagsak ng mga higanteng institusyong pampinansya sa US noong 2008. Sa katunayan, aniya, lumago pa ang ekonomya ng Pilipinas noong nakaraang taon.
Sa pagpupulong ng mga grupo ng negosyanteng inorganisa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) noong 16 Enero, 2009, sinabi ni Ralph Recto, kalihim para sa socio-economic planning, na hindi masyadong maaapektuhan ang mga OFW sa US dahil nasa mga sektor silang tulad ng serbisyo na hindi gaano umano maaapektuhan ng krisis. Patunay dito, ani Recto, ang US $1.3 B halaga ng remitans na ipinadala ng mga OFW noong Nobyembre 2008 at ang kabuuang US$ 15 bilyon para sa Enero-Nobyembre 2008.
Ayon din kay Recto, tinatayang lalaki ng 35% ang industriya ng outsourcing, kaya’t naniniwala siyang makikinabang pa ang Pilipinas sa aktwal sa naturang krisis.
Kamakailan naman, nagpatawag si Gloria Macapagal-Arroyo ng ‘Job Summit’
upang hikayatin umano ang ‘tulungan’ ng mga sektor, laluna ng mga negosyante’t mga unyon sa pagharap sa krisis. Dumalo dito ang mga kinatawan ng mga chambers of commerce, mga dilawang grupong pang-manggagawa, Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE). Nauna rito, nagpatawag na rin ng ng isang ‘tripartite consultation’ ang DOLE kung saan tinalakay din ang naturang usapin.
Sa lahat ng pagkakataong ito, tinalakay ang paglalaan ng pamahalaan umano ng P 330 B pondo para sa ‘Economic Resiliency Plan’.
Layunin ng plano ang mga sumusunod :
A.Matiyak ang tuluy-tuloy na paglaki ng ekonomya at makamit ang mga target sa paglago
B.Mailigtas at makalikha ng pinakamaraming trabahong kakayanin
C.Protektahan ang mga bulnerableng sektor: ang ‘poorest of the poor’, mga nagbabalik na OFW at mga manggagawa sa industriya ng eksport
D.Tiyakin ang mababa at istableng presyo upang suportahan ang paggastos para sa konsumo
E.Pahusayin ang pagiging ‘kompetitibo’ ng ekonomya bilang paghahanda sa
muling pagsigla ng pandaigdigang ekonomya.
Ayon kay Recto, bibigyang diin ng plano ang “mabilis” na pagpapatupad o fast-tracking ng mga proyektong pang-imprastruktura, partikular ang mga tinatawag na proyektong “quick-disbursing, high-impact at labor-intensive”, tulad ng repair at rehabilitasyon ng mga kalsada, irigasyon, atbp., pagmaksimisa ng badyet ng mga ahensya ng gobyerno para sa pag-repair at maintenance ng mga gusaling pampubliko at pagbili ng mga kagamitang tulad ng ambulansya at patrol cars. Ipo-‘frontload’ din o paaagahin ang mga proyektong nakatakda pa lamang ipatupad sa ikalawang hati ng taong 2009.
Kasabay nito, magpapatupad din ng mga programang pantulong sa manggagawang Pilipinong maapektuhan ng krisis. Kabilang dito ang :
A.Dagdag na P5 bilyon para sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino kung saan mamimigay ng hanggang P9,000 kada taon sa mga benepisyaryo nito
B.Pagdagdag ng P1 bilyon sa PhilHealth
C.Karagdagang badyet na P 5.66 B para sa TESDA para sa dagdag na
566,000 benepisyaryo
Palalakihin umano ang mga benepisyo mula sa Philhealth, GSIS at SSS hanggang sa loob ng 18 buwan. Manggagaling ang dagdag na pondo mula sa diperensiya sa pagitan ng mga kontribusyon at claims and benefits.
Sa ipinatawag na job summit, ipinangako naman ni Arroyo na magkakaroon ng anim na buwang amnestiya para sa mga penalty at surcharge ng mga loan ng mga manggagawa sa Social Security System (SSS). Bibigyan naman ng pondo mula sa P250 milyong livelihood fund ang mga OFW na mawawalan ng trabaho o pipiliing manatili sa bansa. Mag-eempleyo rin umano ng 5,000 nars, 50,000 trabahong pagtatanim at reforestation ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), at libu-libo pang mga trabaho sa ibat ibang industriya.
Ngunit sa lahat ng mga pagtitipong ito, inilinaw ng pamahalaan na hindi magkakaroon ng dagdag na sahod.
Sa tripartite meeting din na ipinatawag ng DOLE, Pinagkaisahan ang sumusunod:
A. Paglalaan ng DOLE ng P400 M para sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho at dagdag na P100 M mula sa DBM
B. Pagpapairal ng ‘pleksibilisasyon’ upang maiwasan ang mga tanggalan. Kabilang dito ang :
a. compressed workweek (of less than 6 days), bagamat mananatiling 48 oras ang paggawa kada linggo. Maaring lumagpas na sa walo, ngunit hindi lalagpas sa 12 oras ang bawat araw ng paggawa, na walang overtime premium.
b. pagbabawas sa araw ng paggawa nang hindi hihigit sa anim na buwan
c. rotation ng mga manggagawa sa loob ng pinaikling workweek.
d. Forced leave ng mga empleyado ng ilang araw o linggo gamit ang kanilang leave credit;
e. Broken-time schedule, sa natitirang mga araw o lingo ng paggawa.
Saan kukunin ang pondo para sa planong ito ?
Ayon kay Dennis Arroyo, direktor ng NEDA, Magmumula ang pondo para sa planong ito sa mga ss:
1.P160 bilyones mula sa pambansang badyet ng 2009
2.P100 bilyones mula sa ‘pribadong sektor’ o mga negosyante
3.P30 bilynoes mula sa Social Services Institutions (SSI) tulad ng SSS
Nangako kamakailan lamang si Romulo Neri, chairman ng SSS, na magbibigay ito ng P12.5 B na kukunin mula sa perang kontribusyon ng mga myembro nito, at
4. P40 bilyones mula sa mga ‘tax breaks’ ng mga indibidwal at korporasyon
II. Makakatulong ba talaga ang “Economic Resiliency Plan” ng gobyernong Macapagal-Arroyo upang protektahan ang manggagawang Pilipino sa epekto ng pandaigdigang krisis pang-ekonomya’t pampinansya ?
Tulad ng bailout plan na naipasa kamakailan lamang sa Kongresong US, nakasalig sa balangkas ng Keynesianismo ang Economic Resiliency Plan ng gobyernong Arroyo. Ito ay alinsunod sa burges na teoryang nagsasabi na ang solusyon sa depresyon ng ekonomya ay ang pagpapalaki sa gastos ng gobyerno para lumikha ng trabaho, mahikayat ang pagkonsumo ng mga kalakal at bigyang sikad ang produksyon.
Ngunit kaiba sa plano ng US na maglalabas sa aktwal ng napakalaking halaga upang tustusan ang malawakang pagsasagawa ng mga imprastruktura, hindi pagtatayo ng mga bagong imprastruktura ang gagawin ng gobyernong Arroyo kundi pagpapabilis lamang ng kasalukuyang ginagawa na o mga aprubado nang proyekto.
Ang ‘fast-tracking” na gagawin ay walang iba kundi ang pagpapabilis lamang ng mga proyektong dapat sanang natapos noon pang 2008, ngunit dahil sa korupsyon o malalang burukratismo, ay hindi pa rin natatapos o nasisimulan ngayong taon.
Planong Walang Pondo
Lubhang ambisyoso rin ang planong ito sa pag-anunsyo ng napakalaking halaga nang wala pang tiyak na pagkukunan.
Mismong mga kaalyado ng gobyerno ay nagsabing walang bagong pondo para sa planong ito. Ang pribadong sektor ay umalma sa pahayag na P100 B pondong aasahang makukuha ng gobyerno mula sa kanila.
Ayon naman sa mga progresibong mambabatas, maaring ilegal ang paggamit ng pribadong pondo ng mga myembro ng SSS. Gayundin, anila, ang sinasabi namang mga alokasyon mula sa 2009 badyet ay dati nang nakaprograma bago pa man mangyari ang krisis.
Ang anumang dagdag na pondong labas sa itinakdang badyet ng Kongreso, ayon naman sa ilang oposisyon, ay nangangailangan ng pag-apruba ng Kongreso.
Malalim na Balon ng Korupsyon
Ikalawa, sa kalagayang talamak ang suliranin ng katiwalian ng pamahalaang Arroyo, tiyak na magsisilbi lamang ang planong ito bilang napakalalim na balon ng korupsyon para sa pamilyang Arroyo at mga kaalyado nito sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, may nakabinbin pang akusasyon mismong ang World Bank kay First Gentleman Mike Arroyo na nasa likod umano ito sa mga kikilan sa malalaking proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.
Hindi rin malinaw kung saan o aling mga partikular na proyekto ang pupuntahan ng malalaking pondong ito. Mismong ang 2009 badyet na kapapasa pa lamang kamakailan sa kongreso ay bulnerable sa malawakang nakawan dahil dito. Bukod pa rito ang P75.970 B inilaan para sa “unprogrammed fund” ni Arroyo.
Kung tutuusin, ang halagang P35.324 bilyones na ibinawas para sa pambayad ng bahagi ng pambansang utang o debt service payment ay dapat sanang tunay na mapakinabangan ng masang Pilipino. Sa halip, inilagak ito ng pamahalaan sa mga proyektong imprastrukturang wala namang tunay na maitutulong sa kalagayan ng mamamayang lugmok sa krisis.
Malinaw na gagamitin lamang ng tiwaling rehimen ang pondong ito upang suhulan ang mga kaalyadong mambabatas sa pagsusulong ng charter change o cha-cha, o kung matuloy man ang 2010 eleksyon, upang tiyakin ang panalo ng mga maka-administrasyong kandidato.
Higit pang Pang-aalipin sa Manggagawang Pilipino
Ikatlo, isang malaking panlilinlang ang isinasagawa ng gobyerno dahil ginagamit na dahilan ang krisis upang bigyang katwiran ang mga tanggalan, at mapalawak pa ang pagpapatupad ng mga kontra-manggagawang iskemang lalo pang nagpapababa sa sahod habang lalong pinipiga ang kanilang lakas at nagsasadlak sa kanila sa di-makataong mga kondisyon sa paggawa. Ang dating binalak ng administrasyong pagpapasahol sa mga batas paggawa, na alam nitong sasalubungin ng malawak na pagtutol at pagbatikos ng publiko at kilusng paggawa, ay nahanapan na ngayon ng pamamaraan sa ilalim ng ‘economic resiliency plan’.
Sa halip na dagdag sahod o pagpigil sa mga tanggalan, pinagkakasya ang mga manggagawa sa mga kakarampot na hakbanging tulad ng maliliitang negosyong madali rin namang mabangkarote. Ang mga ipinapangakong trabaho naman ay walang pinag-iba sa dati nang mga ipinangakong panandaliang pag-eempleyong walang naging epekto sa suliranin ng kawalan ng trabaho bago pa man pumutok ang kasalukuyang pandaigdigang krisis.
Sa halip na ginhawa, pagtindi lamang ng pang-aalipin ang mararanasan ng mga manggagawa sa ilalim ng sinasabing planong pantulong na ito ng pamahalaang Arroyo.
Maging ang sinasabing matatag na pundasyon ng ekonomya o economic fundamentals na sinasabi ni Arroyo ay malaking panlilinlang. Ang totoo, ang napakalaking remitans ng mga migranteng Pilipino at ang iniaanak nitong pagsigla sa industriya ng real estate, konstruksyon at paggastos para sa konsumo o consumer spending ang nagsisilbing ‘salbabida’ ng ekonomyang Pilipino. Isa pa, sanay na sanay ang rehimen sa pagsasalamangka ng mga istadistikang pangekonomya upang pagtakpan ang malawakang paghihikahos ng mamamayan at pagkabangkarote ng ekonomya.
Kahit sa antas lamang ng patakaran, hindi makakapagdulot ng anumang ginhawa o relief ang ‘Economic Resiliency Plan’ ng gobyernong Arroyo. Dahil sa import-dependent at export-oriented na katangian ng ating ekonomya, at kawalan ng kakayanang bumili ng naghihirap na mamamayang Pilipino, anumang “stimulus plan” ng gobyerno ay nagpapasigla lamang sa importasyon at pangungutang hindi sa pag-ahon sa kahirapan. Ito ang dati nang suliranin ng malala at tuluy-tuloy na krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang Pilipino, na lalo pang sumisidhi dahil sa kasalukuyang pandaigdigang krisis.




Hello.
I would like to put a link to your site on my blog roll if you want to do the same for mine. It would be a good way to build up both of our readerships.
thank you.