Datos

Datos – Nobyembre 2012

Inilathala ang ispesyal na isyung ito ng Datos bilang paggunita sa kabayanihan ni Andres Bonifacio, bayani ng uring manggagawa na ipinagdiriwang ang ika-149 kaarawan ngayong Nobyembre 30, 2012

Laman:

Bonifacio: Obrero, Rebolusyonaryo
Two-tiered wage system (2TWS): Bagong sistema sa pasahod, lumang adyenda
Praymer hinggil sa Social Security System (SSS)
Balitang Boni

DOWNLOAD HERE

Bonifacio: Obrero, Rebolusyonaryo

Taong 1933 nang ipakita sa publiko ang rebulto ni Andres Bonifacio sa Monumento na likha ng Bulakenyong si Guillermo Tolentino, isang pambansang alagad ng sining.  Ipinapakita rito ang imahen ng bayaning nakasuot ng barong Tagalog, may nakataling panyo sa leeg, at nakasuot ng sapatos, may armas na baril at bolo. Malaki ang ipinagkaiba nito sa unang rebulto na likha ni Ramon Martinez na dati’y nasa Balintawak na nang lumaon ay inilipat sa harap ng Vinzons Hall sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Sa rebultong iyon, nakatupi ang pantalon ng bayani, walang sapin ang paa, nakasuot ng camisa de chino at tabak ang armas. Ngunit nakayapak man o nakasapatos, patuloy na nanatili sa kolektibang kamalayan ng mga nakikibaka para sa panlipunang pagbabago ang imahen ng bayaning nakikibaka kasama ang mamamayan mula sa ibaba.

Two-tiered wage system (2TWS): Bagong sistema sa pasahod, lumang adyenda

Nitong Setyembre, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad sa bagong sistema ng pasahod sa bansa, ang Two-Tiered Wage System o 2TWS. Sa kasalukuyan, tahimik na inilalarga ang bagong sistema sa 11 rehiyon gamit ang serye ng mga inaprubahang wage orders mula pa noong Abril. Bagama’t hindi pa pinal ang disenyo ng implementasyon ng bagong patakaran, litaw na litaw ang maitim na adyenda sa likod nito: higit pang pabababain ang napakababa nang pasahod sa bansa alinsunod sa cheap labor policy ng estado.

Sa halip na tugunan ang panawagang P125 across-the-board na legislated at nationwide na dagdag-sahod, inilalarga pa ng rehimeng US-Noynoy Aquino ang bagong neoliberal na atake sa sahod na pipiga ng higit na yaman para sa mga mapagsamantala. Sa halip na itaas ang sahod para maabot ang living wage sa harap ng walang-patid na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, “libing” wage na nakamamatay ang alok ng tutang rehimen.

Praymer hinggil sa Social Security System (SSS)

Kasalukuyang nahaharap sa iba’t ibang usapin ang pampublikong ahensyang nangangasiwa sa pondong pangpensyon at pangbenepisyo ng mga manggagawa sa pribadong sektor, ang Social Security System o ang SSS. Sa halip na maging kaagapay ng mga manggagawa at mga kasapi nito para sa kanilang pampinansya at pangbenepisyong pangangailangan, kasalukuyan itong nagiging dagdag-pahirap sa mga manggagawang sa kabila ng kawalan ng makabuluhang dagdag-sahod ay patuloy na kinakaltasan ng kontribusyon na tila pakikinabangan pa ng iba.

Nito lamang nakaraang taon, nagpahayag ang administrasyon ng SSS sa ilalim ni Emilio de Quiros ng pangangailangan na itaas ang kontribusyon ng mga kasapi mula 10.4% patungong 11% na paghahatian ng kumpanya at ng manggagawa. Aniya ito ay upang mapahaba pa ang buhay ng pondo ng ahensya at marami pang mga kasapi ang makinabang. Mula sa kanilang tantiyang actuarial valuation noong 2007 na ang kasalukuyang pondo ay hanggang sa taong 2039, nais nila itong patagalin pa hanggang 2049.

Balitang Bonifacio: Paglulunsad ng BONI 150, Paaralang Bonifacio

Simple Share Buttons
Simple Share Buttons